Huwebes, Abril 17, 2014

“[Insert Title Here_ ]”


12:00 A.M, Monday

“Kung bibigyan ka nang pagkakataon na sabihin sa pinaka makapangyarihang tao ang lahat ng gusto
mong sabihin, ano ang mga iyon?”

Ano nga ba? Ano nga ba ang maari kong sabihin sa pinaka makapangyarihang tao na kilala ko? Eh teka muna, sino nga pala ang pinaka makapangyarihan na kilala ko?

Hmm. Si Tatay na lang kaya. Tutal siya ang nagbibigay sa akin ng allowance ko sa araw-araw at siya rin ang commander-in-chief sa loob ng bahay.

Kaso, si Tatay under kay Nanay. Kaya si Nanay ang siguro ang makapangyarihang kilala ko. Kaya niyang pagsabay-sabayin lahat ng gawaing bahay. Kaya niyang magluto habang naglalaba,kaya niya ring patahanin si bunso habang nag paplantsa.

Pero minsan ‘di siya sinusunod ni Ate. May sariling mundo yun eh. Lahat kaya niyang gawin. Pwede siyang umuwi kahit anung oras niya gusto o kaya’y kaya niyang magdala ng mga kaibigan sa bahay naming at mag lagi doon ng halos isang araw. Pero minsan lang naman ‘yun, kaya hindi pwede na maging pinaka makapangyarihan si ate.

5:30 A.M

“ Hoy bata ka! Gumising ka na! Nakatulog ka na nga diyan sa mesa blanko pa rin ‘yang papel mo.”

Nagising ako sa malakas na bunganga ni Nanay. Ang lakas ng boses, di ko alam kung saan ang pinanggagalingan ‘nun. Napainat ako, di ko namalayan na nakatulog na ako sa kakaisip kung sino nga ba ang makapangyarihang tao. Napatingin ako sa Bond paper na nasa harap ko. Yuck! Nabasa na ‘to ng laway ko. Kawawang papel, ‘di na nga nagamit nalawayan ko pa. Tsk tsk.
Kinuha ko na ang tuwalya ko at nagsimula nang maligo. GRRR..GRRR napakalamig ng tubig. Minadali ko na lang ang pagligo dahil malamang at sa malamang male-late na ako.

6:15 A.M
Nandito na ako sa paradahan ng dyip. Marami nang estudyante ang nag-aabang ng byaheng pa-Indang. Hay. Marami na namang kaagaw, kaunting minute na lang magsisimula na ang klase ko. No choice, kailangan ko na talagang sumabit sa estribo ng dyip.

Habang nasa byahe ako (nakasabit po ako sa may estribo ng jeep), napaisip ako kung bakit kakaunti ang bilang nang dyip sa bilang nang estudyante. Mas marami pang pa-Trece kaysa pa-Indang. Napahinto ang dyip dahil traffic, napagmasdan ko tuloy yung magarang kotse na nasa harap namin. Isang Toyota Avanza. Maganda, makinis at parang bagong bili. Pero napansin ko lang, isang matandang lalake lang ang laman nito. Naka- barong tagalog siya, ah baka taga munisipyo. Bigla tuloy sumagi muli sa aking isipan ang tungkol sa bilang nang dyip. Mabuti pa ang ibang kongresista hindi na nila iisipin pa kung may masasakyan sila. Eh may sarili na kasi silang kotse. May mga escort pa! Kung sana may isang kongresista na maglalaan ng pondo para gumawa ng mga pampasaherong dyip, siguro wala nang agawan na mangyayari. At wala na ring estudyanteng sasabit sa dyip.

7:35 A.M

Sa wakas, nakarating na rin ako sa kolehiyong pinapasukan ko. At tama ang naging hinala ko, late ako sa klase namin. Terror pa naman si Ma’am English. Nakita niya akong papasok aba’y tinawag ba naman ang pangalan ko at tinanong ako tungkol sa coherence in paragraph and other sh*ts. Nakatunganga lang tuloy ako sa kanya, ang masakit pa dun pinaagtawanan pa ako ng mga kaklase ko. Pinalabas ako ng classroom ng ‘di oras. Hay.

Dahil nasa labas na ko, lulubus-lubusin ko na rin. Inikot ko ang eskwelahan kahit na nakasaad sa aming Student Handbook ang mga salitang “No loitering during class hours.” Pake ko ba! Pinalabas ako ng magaling kong prof. Hanggang sa mapadaan ako sa isang grupo ng mga estudyante, akala ko may rally dahil ang ingay at kumpulan sila sa ilalim ng isang puno. Nagkaklase pala sila. Aba! Maganda ang subject nila, Logic. Umupo ako sa tabi nang isang estudyante doon at nakinig sa sinasabi ng instructor nila. Napaka aktibo ng mga estudyanteng ‘to, ano kayang course nila?

“ Miss pwede magtanong? Anong course niyo?” tanong ko sa babaeng natabihan ko.

“ Ah. Mass Com kami. Ewan ko ba dapat nandun kami sa sarili naming college. Pero tignan mo ngayon, kami ang nawalan! Ang masaklap pa, talagang ditto kami sa ilalalim ng puno pwinesto! Pasensya na kung masyado akong ma-drama ha, antagal na kasing ganito.”

Napaisip tuloy ako sa sinabi niya. Sila na dapat na gumagamit ng para ay sa kanila, ang siya pang nawawalan. Mabuti pa sa  Malacañang, lahat ng silid naka aircon. Siguro yung mga taong nagta-trabaho dun ang pinaka makapangyarihan sa lahat. Mayroon kasi silang pagkakataon na makagamit ng mga magagarang bagay, gaya na lamang ng mga mamahaling kotse, na hindi na nila kailangan pang paghirapan.

12:00 noon

Puno na naman ng mga maiingay na estudyante ang canteen. Hindi ko alam kung anu-ano ang mga pinaguusapan nila, pero makikita mo na bakas sa kanilang mga mukha ang saya habang ang nagkukwento.

“Pare! Mukhang gutom ka ha! Simot na simot ‘yang plato mo.” sabi ni Rick, ang patapon kong bestfriend.
Nakita kong halos ‘di nabawasan ang kanin niya. Iisang tasa na nga lang eh ‘di pa niya makuhang lunukin. Napaisip na naman ako. Kung pagkain ang siyang bumubuhay sa mga tao, kung ganun ang mga taong nagtatanim o nag aalaga ng mga makakain namin ay maaring makapangyarihan. Maaring makapangyarihan ang mga magsasaka! Sila ang siyang nagtatanim at nag-gagapas ng mga palay, na siyang nagiging bigas, at ‘di kalauna’y nagiging kanin. Kung sakaling mapagdesisyunan nilang mga magsasaka na huwag magtanim ng palay, maaring ngayon patay na tayong lahat. Tama! Makapangyarihan ang mga magsasaka. Maaring-

“ Friend na-try mo na yung Chenes Beauty Soap? Ang ganda pramis! Epektib na pampapaputi!”

“ Uy! ‘Di nga. Baka mamaya parehas lang yan ng iba ha.”

“ Ano ka ba girl! Try mo na. ito rin kaya ang gamit ko. Tignan mo, ang flawless ko ‘di ba?”

Parang commercial lang ang narinig ko ha. Pero bakit nga ba maraming Pilipino ang ayaw umitim? Natural na kulay naman natin ang pagiging kayumanggi ha? Kung ayaw pala nilang maging “maitim” sana naging “foreigner” na lang sila.
Grabe naman kasi makapanghikayat ang mga manufacturers . kulang na lang gawin nilang slogan ang : “ Pangit ang maitim. Kaya dapat magpaputi ka.” Kaya marami silang nahihikayat na mga pinoy eh. Pati mga Pilipino nilang model, halos kumislap na sa sobrang kaputian. Buti pa nung unang panahon, wala kang makikitang mga dalagitang pinoproblema ang kulay nila. Mas pinoproblema nila kung paano sila makakaligtas sa digmaan at kung ano ang kakainin nila sa araw-araw. Hay. Napunta na naman ako sa pagkain na ‘yan.

2:30 P.M

Pasakay na ako ngayon sa bus. Hindi ko alam kung anong sumapi sa instructor naming at hindi niya kami nag-meet ngayon. Nakakadalawang klase pa lang kami, midterms na agad next week. Ano ang sa tingin niyang maisasagot ko? Ng mga ka-klase ko? Hay.

Screech..beep..beep..

Bigla na lang napahinto ang bus, nagulat kami nang may pumasok na mga batang pulubi. Mabilisan ang galawan nila. Nagulat na lamang ako ng biglang may naipatong nang maliit na sulat sa aking hita.

Magandang araw sa inyo,
Kami po ay galing Zamboanga. Naapektuhan kami ng nagkaroon ng barilan sa amin bayan. Hindi kami makapag hanapbuhay dahil sinira ang aming mga Bangka. Nanghihingi kami ng kaunting tulong. Kahit magkano lang po ang makayanan niyo.



                     Php 10.00
                     Php 50.00
                     Php  20.00
                     Others



Ayos na sana eh. Maawa na sana ako eh kaso, mali-mali ang grammar. Ang hindi pa kapani-paniwala ay ang pagkakaroon nila ng printed letters at take note, naka pag pa-photocopy pa sila. Pero dahil nga mga bata lang sila, hindi ko pa rin mapigilan ang maawa. Naisip ko kung paano sila nabubuhay sa kakarampot na limos ng mga tao na hihingan nila. Bakit kaya hindi gumawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng maraming pera, ipamigay nila sa mga taong sobrang lugmok na sa kahirapan. Hindi ko naman hinihiling na gumawa sila ng marami, kung baga magbigay lang sila para naman magkaroon sila ng pagkakataon na makatikim ng masasarap na pagkain.

Nilagyan ko ng tsek ang kahon ng ‘others’ at naglagay ng sampung piso sa sobre. Sakto na lang kasing singkwenta ang pera ko, sampung piso dapat para sa ipon ko pero mas mahalaga ang makatulong kang makakain ang mga pulubing ‘to.

5:00 P.M

“ Oh yung mga bababa diyan oh! Baba na!”

            Hay. Salamat at nakauwi rin. Teka, nasan na yung wallet ko? *kapa-kapa* Ah! Nasa bag lang pala. Kukuha n asana ako ng beinte pesos para sa pamasahe ko ng mahagip ng mata ko ang isa sa mga I.D ko. Titig na titig ako sa I.D na’yun, dahil alam ko na sa wakas kung sino ang pinaka makapangyarihan na tao sa mundo. Ang pagtitig sa aking Voter’s I.D ang siyang nagpatunay na ang mamamayan ang siyang makapangyarihan sa lahat. Oo nga ‘no! bakit hindi man lang sumagi sa isipan ko.

6:00 P.M

            Pagtapak na pagtapak ko pa lamang sa aming bahay ay agad akong kumuha ng bagong bond paper, kung maalala niyo nalawayan ko ang unang papel na ginamit ko. Agad kong isinulat ang tanong:

“Kung bibigyan ka nang pagkakataon na sabihin sa pinaka makapangyarihang tao ang lahat ng gusto
mong sabihin, ano ang mga iyon?”

            Lumapad ang ngiti sa aking labi. Agad ko namang isinulat ang mga katagang:

            Mamamayan ang siyang pinaka makapangyarihang tao sa mundo. Sila ang may kapangyarihang pasunurin ang kani-kanilang mga pamilya ( tatay). Kaya rin nilang alagaan ito ( nanay) at minsan sila rin ang karamay mo ( ate/kuya). Kaya nilang mag desisiyon ng para sa sarili nila (kongresista) at kaya rin nilang gumawa ng batas na susuporta ditto ( Malacañang). Kaya nilang pakainin ang kapwa nila (magsasaka), may kapangyarihan din silang manghikayat ( manufacturers). Sila rin ang gumagawa ng sarili nilang pera na siyang nagagamit para sila’y makapag palitan ng produkto. At higit sa lahat, sila ang may kakayanang mag halal ng isang tao na siyang tutulong sa kanila na maituwid ang bansang kanilang ginagalawan.

            Natuwa ako sa naisulat ko. Kaunti na lang at matatapos ko na ang ibinigay na homework ni ma’am.

“Kung bibigyan ka nang pagkakataon na sabihin sa pinaka makapangyarihang tao ang lahat ng gusto
mong sabihin, ano ang mga iyon?”

            Ang tanging problema ko na lang ngayon, paano ko sasabihin sa mamamayan ang mga hinaing ko, kung ang mamamayan ay maaring katulad ko.



*Ang kwentong ito ay nanalo ng ikalawang pwesto sa ika-4th Gawad Galisanao Literature Contest na ginanap sa Cavite State University.














Walang komento:

Mag-post ng isang Komento